Hinikayat ng lokal na pamahalaan ng Manaoag ang mga may-ari ng lupa, bahay at iba pang ari-arian na samantalahin ang hanggang dalawampung porsiyentong diskuwento sa pagbabayad ng Real Property Tax o amilyar.
Batay sa anunsiyo ng Municipal Government of Manaoag, maaaring makakuha ng 20 percent discount ang mga magbabayad mula Oktubre a-diyes hanggang Disyembre a-trenta y uno, ngayong 2026.
Samantala, 10 percent discount naman ang maaaring makuha ng mga magbabayad mula Enero a-uno hanggang Marso a-trenta y uno, 2027.
Layunin ng naturang insentibo na hikayatin ang mga taxpayer na maagang tuparin ang kanilang obligasyon at maiwasan ang karagdagang bayarin.
Nagpaalala rin ang lokal na pamahalaan na ang mga mahuhuling magbayad ng kanilang buwis sa ari-arian ay maaaring patawan ng kaukulang penalties at interest alinsunod sa umiiral na batas at mga ordinansa ng munisipalidad.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga may-ari ng ari-arian na huwag nang hintayin ang huling araw ng pagbabayad upang mapakinabangan ang iniaalok na diskuwento.
Para sa karagdagang detalye, paglilinaw sa kuwentada ng buwis at mga kinakailangan sa pagbabayad, maaaring direktang makipag-ugnayan sa Municipal Treasurer’s Office ng Manaoag.
Muling binigyang-diin ng lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng maagap na pagbabayad ng buwis na nagsisilbing isa sa mga pinagkukunan ng pondo para sa mga programa at serbisyong pampubliko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








