Monday, October 12, 2026

Cybermonitoring laban sa mga scam kaugnay ng water purification products sa gitna ng El Niño, pinaigting ng PNP

Pinaiigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay at pagpapatupad ng batas laban sa mga indibidwal at grupo na maaaring samantalahin ang pangamba ng publiko dulot ng tagtuyot sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mapanlinlang na mga pahayag at pekeng alok na may kaugnayan sa mga water purification system.

Ang pahayag ng PNP ay kasunod ng ulat ng Office of Civil Defense na nakikipag-ugnayan ito sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang tugunan ang pagkalat ng maling impormasyon at mga espekulasyong umiikot online tungkol sa kakulangan ng tubig at mga produktong panglinis ng tubig.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., mino-monitor na ng PNP cybercrime at investigation units ang mga online activities na konektado sa mga nasabing scam na ito.

Inatasan din nito ang mga police regional office at local police unit na makipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI), mga lokal na pamahalaan, at iba pang kaugnay na ahensya sa pagberipika at pag-aksyon sa mga reklamo kaugnay ng water hoarding, profiteering, at panlilinlang sa mga mamimili.

Hinikayat din ni Nartatez ang publiko na i-report ang kahinahinalang mga nagbebenta at mga mapanlinlang na advertisements sa mga awtoridad .

Facebook Comments