Tuesday, June 23, 2026

Mga kabataang nakagawa ng karumal-dumal na krimen, mahaharap pa rin sa involuntary confinement —Sen. Kiko Pangilinan

Pinasinungalingan ni Senator Kiko Pangilinan ang akusasyon na dahil mga bata ang nagkasala ay walang pananagutan sa batas at dapat na pakawalan.

Kaugnay na rin ito sa dalawang menor de edad na suspek sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong mga kapwa-estudyante.

Sa Facebook Live ni Pangilinan, ipinaliwanag nito ang iniakdang batas na Juvenile Justice and Welfare Act, kung saan nakasaad sa batas na kapag heinous crime ang kaso ay maaaring magkaroon ng minimum na isang taon na involuntary confinement—ibig sabihin hindi maaaring pakawalan ang isang batang nakagawa ng karumal-dumal na krimen.

Minimum lamang aniya ang isang taon pero maaari itong gawing maging dalawa at tatlong taon depende sa magiging takbo ng kaso at kanilang rehabilitasyon.

Bukod dito, may mga aktuwal na kaso ng mga menor de edad na nagkasala ng heinous offenses at alam na ang tama at mali ay nasentensyahan at naparusahan at kasalukuyang nakapiit dahil sa bigat ng paglabag sa batas.

Giit pa ni Pangilinan, hindi totoo at hindi tama na sabihin na ang mga kabataang nagkasala sa Tacloban ay dapat na pakawalan dahil ito ay malinaw na kontra sa batas.

Facebook Comments