
Makakatanggap ng mas malaking pondo ang mga lokal na pamahalaan mula sa national tax collections sa 2027.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, nakatakdang umabot sa P1.19 trilyon ang National Tax Allotment (NTA) na ipamamahagi sa mga LGU, mas mataas ng P129.32 bilyon kumpara sa kasalukuyang alokasyon.
Nauunawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang dating lokal na opisyal, ang pangangailangan ng mga komunidad kaya mahalagang matiyak na may sapat na pondo ang mga LGU.
Magsisilbing dagdag-suporta ang pondo para sa mga lalawigan, lungsod, munisipalidad at barangay sa buong bansa, kabilang ang mga nasa malalayong lugar.
Isa rin umano ito sa pinakamalalaking pondong ilalakip sa panukalang 2027 national budget at inaasahang mababanggit sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ng pangulo.
Tiniyak naman ni Recto na ang paghahati ng pondo ay alinsunod sa itinakda ng batas at nakabatay sa mga salik gaya ng populasyon at lawak ng sakop ng bawat LGU.










