
Iminungkahi ni Senator Erwin Tulfo sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipamahagi sa mga rehiyon ang aerial assets ng Philippine National Police (PNP) lalo na sa mga malalayong lugar.
Sa pagdinig ng DILG budget para sa 2027, idiniin ni Tulfo ang matinding pangangailangan sa mabilis na pagresponde ng mga otoridad mula sa himpapawid lalo na ang mga nasa malalayong lugar na talamak ang illegal logging at kaingin gaya sa Palawan at Sierra Madre.
Tinukoy ni Tulfo na sa ngayon ay inaabot ng dalawang araw ang kailangang lakarin ng mga forest ranger para marating at mainspeksyon ang lugar ng illegal logging.
Kung mayroon aniyang nakahandang suportang panghimpapawid mula sa PNP ay mabilis na maaaksyunan at mapapanagot ang mga may sala.
Inihalimbawa rin ni Tulfo ang posibilidad na padagdagan ang mga air assets ng PNP lalo sa Metro Manila na matindi ang trapiko kung saan kapag kailangang rumesponde ay mas magiging mabilis ang paggalaw kung may magagamit na sasakyang panghimpapawid tulad ng helikopter.
Layon ng pagpapalakas at pamamahagi ng air assets ng PNP sa iba’t ibang rehiyon ang mabilis na pagresponde kapag may sakuna, paglaban sa krimen at pagprotekta sa kalikasan.










