Monday, September 28, 2026

DILG, kumikilos na para buwagin ang grupong TBS o True Brown Style na nag-groom ng mga kabataan para maging kriminal

Binabantayan na ngayon ng DILG ang grupong TBS o True Brown Style na umano’y nanggo-groom sa mga kabataan para gumawa ng karahasan.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, kabilang ang nasabing grupo na ito sa community-based syndicate at ang initiation ng grupo sa mga batang lalahok sa kanilang grupo ay magnakaw sa mga convenience store.

Ayon kay Remulla, ang grupong TBS ay may mga miyembro na nasa 18 hanggang 20 taong gulang na naggo-groom ng mga batang may edad na nasa 14 hanggang 15 years old para gumawa ng nasabing krimen.

Dahil dito ay pinag-aaralan na umano ng mga otoridad ang command structure ng nasabing grupo upang mabuwag ang paglawak nito.

Kaugnay nito, sinabi pa ni Remulla na may direktiba na ang Pangulo para sa isang nationwide communication program para gabayan ang mga magulang kung paano makikipag-usap sa kanilang mga anak tungkol sa nasabing banta.

Nilinaw naman ng kalihim na iba pa ang grupong TBS sa mga online groomer na umano’y nagtutulak sa mga kabataan sa iba pang mga karahasan.

Facebook Comments