
Nilinaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang ugnayan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at dating Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliament member Edrieza Rimbang Nasser, na iniugnay sa tangkang pagpapadala ng 521 kilo ng hinihinalang shabu mula Laos patungong Pilipinas.
Ito ay matapos maglabas ang DILG ng larawan kung saan magkasama si Duterte at ang asawa ni Rimbang.
Ayon kay Remulla, magkapartido sa politika sina Duterte at Rimbang.
Gayunman, iginiit niyang si Rimbang at ang mga kasamahan nito ang tinutukoy sa operasyon.
Samantala, hindi isinasara ng DILG ang posibilidad na may iba pang politikong sangkot sa tangkang pagpapasok ng ilegal na droga.
Kinumpirma rin ni Remulla na nagmula sa Golden Triangle ang hinihinalang shabu. Kabilang sa rehiyong ito ang ilang bahagi ng Myanmar, Laos at Thailand na kilala sa ilegal na kalakalan ng droga.
Iginiit ni Remulla na nakabatay sa mga dokumento at aktuwal na imbestigasyon, katuwang ang mga ahensiya sa Southeast Asia, ang kanilang mga natuklasan.










