Inirekomenda na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) na bawian ng lisensya ang driver ng isang SUV na paulit-ulit na dumaan sa EDSA Busway
Ayon kay MMDA Chairman, Atty. Don Artes, ang naturang motorista ay residente ng San Mateo, Rizal.
Ang ilang ulit niyang paggamit ng busway ay na-monitor ng kanilang artificial intelligence (AI) driven CCTVs mula Agosto 2024 hanggang Mayo 2025 kung kailang suspendido pa ang No-Contact Apprehension Policy (NCAP).
Dumaan ang nasabing motorista ng 300 beses.
Habang mula Mayo 26 hanggang ngayong buwan lamang, nakapagtala ito ng siyam na beses na paglabag dahil sa pagdaan nito sa busway.
Dahil dito, sinabi ni Artes na sobra-sobra na ang paglabag ng nasabing motorista.
Ayon sa MMDA chief, lubhang napakahalaga ng NCAP dahil hindi man nila mabantayan pisikal ang mga lumalabag sa batas trapiko, hindi naman sila makaliligtas sa mga AI generated camera at manual evaluation.