DISPUTE RESOLUTION AT MEDIATION, ISINUSULONG PARA SA MAAYOS NA SISTEMA NG MGA KOOPERATIBA SA MANGALDAN

Dumalo ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan sa isinagawang pagsasanay ukol sa Alternative Dispute Resolution (ADR) at mediation bilang bahagi ng pagpapalakas sa kakayahan ng mga kooperatiba sa maayos na paghawak ng mga hindi pagkakaunawaan.

Ginanap ang dalawang araw na workshop sa Manaoag, Pangasinan sa pangunguna ng Cooperative Development Authority Region I katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan.

Nakatuon ang pagsasanay sa paggamit ng mapayapa at organisadong paraan ng pag-aayos ng sigalot upang maiwasan ang agarang pagdulog sa korte at mapanatili ang maayos na samahan sa loob ng mga kooperatiba.

Kabilang sa mga tinalakay ang wastong proseso ng mediation, pamantayang etikal sa conflict resolution, at pagbuo ng mga mekanismo na makatutulong upang maiwasan ang matagalang alitan sa pagitan ng mga miyembro at pamunuan.

Ayon sa lokal na pamahalaan, mahalagang mapatatag ang sistema ng pagresolba ng alitan sa mga kooperatiba upang mapanatili ang tiwala ng mga miyembro at tuloy-tuloy na operasyon ng mga samahan.

Bahagi rin umano ito ng mas malawak na layunin na mapaunlad ang sektor ng kooperatiba at mapalakas ang ambag nito sa kabuhayan at ekonomiya ng komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments