Thursday, June 4, 2026

Senate media, kinondena ang pahayag ni Sen. Marcoleta na bayaran umano ang karamihan sa media; senador, nagpaliwanag at humingi ng paumanhin

Sama-samang kinondena ng Senate media ang pahayag ni Senador Rodante Marcoleta na bayaran umano ang karamihan sa media.
 
Ginawa ng senador ang naturang alegasyon sa gitna ng coverage ng media sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
 
Sa inilabas na pahayag ng Senate media, sinabi nilang ang naging pahayag ni Marcoleta sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na bayaran ang karamihan sa mainstream media ay hindi lamang iresponsable kundi isa ring walang-ingat na pag-atake sa isang institusyong mahalaga sa demokrasya.
 
Binigyang-diin din nila na ang naturang pahayag ay paninira sa mga mamamahayag at media workers na kadalasang nahaharap sa intimidation, harassment, at maging sa panganib sa kanilang buhay upang maihatid ang impormasyon sa publiko.
 
Ayon pa sa Senate media, hindi dapat madamay ang mga mamamahayag sa mga alitan, sigalot, at power struggles na kasalukuyang nagaganap sa Senado. Hindi rin anila dapat gamitin ang media bilang sandata o gawing collateral damage sa umiiral na political warfare.
 
Samantala, sa isang press conference, inamin ni Marcoleta na bunga ng kaniyang frustration kaya niya nabitiwan ang naturang pahayag.
 
Ayon sa senador, nag-ugat ang kaniyang pagkadismaya sa kakulangan umano ng media coverage sa kaniyang talumpati sa isang rally ng Iglesia ni Cristo (INC), kung saan nagpahayag siya ng suporta sa Pangulo at tinalakay ang mga posibleng epekto ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Aniya, halos 45 minuto siyang nagsalita ngunit wala umanong media outlet na nagbigay-pansin dito.

Sa huli, humingi ng paumanhin si Marcoleta at nilinaw na hindi niya nilalahat ang media sa kaniyang naging pahayag na karamihan umano sa mga ito ay bayaran.

Facebook Comments