Monday, June 8, 2026

Full Alert at Red Alert status, itinaas na ng OCD kasunod ng 7.8 magnitude na lindol sa ilang lugar sa Mindanao

Inakyat na sa full at red alert status ng Office of Civil Defense (OCD) ang Operations Center, National Inter-Agency Coordinating Cell, at mga Response Clusters at Agencies nito kasunod ng pagtama ng 7.8 magnitude na lindol sa Maasim, Sarangani kaninang umaga.

Kung saan kasama sa apektadong rehiyon ang Region 9, 11, 12, at BARMM.

Ayon sa ulat ng OCD, dahil sa nasabing lindol, apektado ang kuryente at komunikasyon sa nasabing mga lugar.

Patuloy naman ang isinasagawang evacuation sa mga apektadong lugar lalo na ang mga malalapit sa baybayin, gayundin ang pagbibigay-babala sa publiko na iwasan na ang pagbalik muli sa kanilang mga bahay o mga gusali lalo na sa posibleng banta ng aftershocks.

Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng OCD sa mga Local Disaster Risk Reduction and Management Offices ng mga apektadong lugar.

Samantala, inatasan na rin ang rescue units ng mga uniformed services na maging alerto sa posibleng deployment anumang oras.

Sa ngayon, wala pang opisyal na mga ulat kaugnay ng casualties ngunit patuloy ang monitoring at balidasyon ng OCD ukol dito.

Facebook Comments