
Aarangkada na simula ngayong Miyerkules, November 4 ang trial run ng 20 bus na dadaan sa ruta ng LRT 2 mula Antipolo Station hanggang Cubao at Legarda, ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon.
Ito ay para bigyan ng alternatibong masasakyan ang apat na libong komyuter, na hindi na kayang serbisyuhan ng 10 tren ng LRT 2, at para hindi na rin sila maghintay pa ng 30 hanggang 45 minuto sa pila, bago makasakay ng tren.
Aabot sa 45 katao ang kapasidad ng bawat bus, habang aabot naman sa 70 ang pwedeng makasakay rito, kung kasama ang mga komyuter na tatayo sa byahe, sa halagang P66 hanggang Legarda sa regular na pamasahe, habang P55 naman kung estudyante.
Layon ng trial run na matukoy ang oras ng byahe at para pag-aralan kung feasible na maipatupad ang EDSA Busway style sa Marcos Highway.
Aminado si Secretary Dizon na hindi pa kakayaning bumili ng mga bagong tren dahil sa kawalan ng pondo, at aabutin pa umano ng 3 hanggang 4 na taon bago ito dumating sa bansa.
Samantala, hindi pa naman masabi ni DOTr Secretary Dizon kung hanggang kailan tatagal ang trial run ng mga bus at kung kailan ito opisyal na ipatutupad, lalo’t kailangan pa umano nitong dumaan sa konsultasyon kasama ang mga Public Utility Vehicle (PUV) na may prangkisa, lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders.










