DOH ILOCOS, MULING GINIIT ANG PANAWAGAN UKOL SA PAGSUPORTA SA PROGRAMANG DEWORMING

Muling tiniyak ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region ang kaligtasan at bisa ng programang deworming ng pamahalaan kasabay ng panawagan nito sa mga magulang, tagapag-alaga, paaralan, lokal na pamahalaan, at buong komunidad na suportahan ang isinasagawang National Deworming Campaign ngayong Hulyo.


‎Ayon sa DOH Ilocos, ang deworming ay isang ligtas, batay sa siyentipikong ebidensya, at matipid na hakbang sa pampublikong kalusugan upang maprotektahan ang mga batang maaaring mahawaan ng soil-transmitted helminths o mga bulate sa bituka. Patuloy umanong banta ang mga ito sa kalusugan ng mga batang nasa edad ng pag-aaral.

‎Ipinaliwanag ng kagawaran na ang regular na deworming ay nakatutulong sa pagpapabuti ng nutrisyon, pisikal na paglaki, pag-unlad ng pag-iisip, at pangkalahatang kalusugan ng mga bata. Dahil dito, mas nagiging handa silang matuto at maabot ang kanilang buong potensyal.


‎Upang matiyak ang ligtas na pagpapatupad ng programa, inatasan ng DOH Ilocos ang lahat ng health workers, lokal na pamahalaan, mga paaralan, at mga katuwang na ahensya na mahigpit na sundin ang itinakdang safety protocols sa mga isasagawang school-based at community-based deworming activities.

‎Tiniyak din ng DOH na ang mga health personnel ay sapat na sinanay at nakahandang tumugon at mangasiwa sa anumang posibleng hindi inaasahang reaksyon matapos ang pagbibigay ng deworming medicine.


‎Sa pamamagitan nito, umaasa ang DOH Ilocos na mas marami pang mga kwalipikadong bata ang makikinabang sa libreng deworming medicine at mapapanatiling malusog laban sa mga sakit na dulot ng bulate sa bituka. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments