PRO 1, NAKAPAGTALA NG 110 LOOSE FIREARMS SA LOOB NG ISANG LINGGO

Nakapagtala ang Police Regional Office 1 (PRO 1) ng kabuuang 110 loose firearms na naalis sa sirkulasyon sa buong Ilocos Region sa pamamagitan ng pinaigting na kampanya kontra ilegal na baril mula Hulyo 15 hanggang 21, 2026.

Batay sa tala ng PRO 1, sa kabuuang bilang ng mga loose firearms, 11 ang nakumpiska sa iba’t ibang operasyon, 73 ang boluntaryong isinuko ng mga indibidwal sa ilalim ng kampanya ng kapulisan, 23 ang idineposito para sa safekeeping, at tatlo ang na-recover sa magkakahiwalay na insidente.

Ayon sa PRO 1, bahagi ang mga operasyong ito ng patuloy na pagpapatupad ng kampanya laban sa ilegal na pagmamay-ari at paggamit ng mga baril, alinsunod sa direktiba ng pamunuan ng Philippine National Police na paigtingin ang mga hakbang upang maiwasan ang mga krimeng may kaugnayan sa baril at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.

Patuloy namang hinihikayat ng pulisya ang publiko na makiisa sa kampanya sa pamamagitan ng pagsuko ng mga hindi lisensiyadong baril at pagbibigay ng impormasyon laban sa mga iligal na aktibidad upang higit na mapalakas ang seguridad sa rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments