FACE-TO-FACE CLASSES SA MGA PUBLIC SCHOOLS SA DAGUPAN CITY, SINUSPENDE KAHAPON DAHIL SA UMANO’Y ONLINE SECURITY THREAT

Sinuspinde ang face-to-face classes sa mga public schools sa Dagupan city nitong Biyernes, July 24, 2026, matapos ang umano’y online security threat na agad na iniulat sa mga kinauukulang awtoridad para sa beripikasyon at masusing imbestigasyon.

Bilang kapalit ng mga in-person na klase, ipinatupad ang Alternative Delivery Mode (ADM) upang matiyak na magpapatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante.

Alinsunod ang suspensyon sa kautusan ng Schools Division Office (SDO) Dagupan.

Ayon sa mga opisyal, pangunahing layunin ng hakbang ang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan, gayundin ang mabawasan ang pangamba ng mga magulang.

Sa inilabas naman na pahayag ng Federico N. Ceralde Integrated School na nakatanggap ng umano’y online threat, nananatiling prayoridad ng paaralan ang kaligtasan, seguridad, at kapakanan ng buong komunidad.

Patuloy rin umano itong nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad at susunod sa lahat ng kanilang rekomendasyon hinggil sa pagpapatuloy ng operasyon ng paaralan.

Pinayuhan din ng pamunuan ang publiko na manatiling kalmado at iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, screenshot, at mga haka-haka sa social media. Hinikayat ang lahat na umasa lamang sa mga opisyal na anunsyo ng paaralan at ng SDO Dagupan para sa mga susunod na abiso.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga kinauukulang awtoridad upang matukoy ang nasa likod ng online security threat.

Wala namang naiulat na anumang insidente sa loob ng paaralan, habang hinihintay ng mga magulang, guro, at estudyante ang resulta ng imbestigasyon at ang anunsyo hinggil sa muling pagbabalik ng face-to-face classes. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments