
Tulong-tulong na nagsagawa ng paglilinis ang Department of Environment and Public Services (DEPS) ng Maynila kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng National Capital Region (NCR) sa ilang estero sa lungsod ng Maynila.
Kabilang sa esterong nilinis ang Estero de San Lazaro sa kahabaan ng Tayuman Street kung saan mahigit 55 na sako ng basura ang nahakot ng mga awtoridad.
Habang nagtanggal naman ng mga basura at burak ang mga tauhan ng DPWH-NCR sa Estero de Balete.
Ang nasabing operasyon ay isinigawa upang maibsan ang mabilis na pagtaas ng tubig sa bahagi ng Taft Avenue, Finance Road, Roxas Boulevard, Mabini Street, at ilang kalsada sa Ermita at Malate sa tuwing may malakas at matagal na pag-ulan.
Matatandaan na una nang pinatutukan ni DPWH Secretary Vince Dizon ang desilting at clearing sa naturang mga estero.










