
Nagpaalala ang Department of Health o DOH sa publiko hinggil sa panganib na dulot ng paggamit ng vape dahil sa mga kemikal na maaaring makasama sa kalusugan.
Ayon sa DOH, kabilang dito ang formaldehyde, isang kemikal na ginagamit din sa pag-eembalsamo ng mga bangkay.
Babala ng ahensya, maaaring makapinsala ang formaldehyde sa lalamunan, ilong at mata.
Kinilala rin itong carcinogenic o kemikal na maaaring magdulot ng kanser.
Bukod dito, maaari ring malanghap mula sa vape ang iba pang mapanganib na kemikal gaya ng diacetyl, acrolein at cadmium.
Dahil dito, muling hinikayat ng DOH ang publiko, lalo na ang mga kabataan, na umiwas sa paggamit ng vape.
Isinusulong din ng ahensya ang pagpapataw ng mas mataas na buwis sa mga produktong vape upang mabawasan ang paggamit nito at maprotektahan ang kalusugan ng mga Pilipino.










