
Binalaan ng Department of Health (DOH) ang publiko sa mga indibidwal na nagpapakilalang si Sec. Teodoro Herbosa sa pamamagitan ng text messages.
Muling nilinaw ng DOH na ang mga pinapadalang mensahe ay hindi nagmula sa kalihim at ang numerong ginagamit ay hindi rin kay Herbosa.
Paliwanag pa ng DOH, hindi kailanman maglalabas ng abiso o request si Sec. Herbosa, lalo na kung pera ang hinihingi.
Binalaan ng DOH ang mga gumagawa ng ganitong uri ng iligal na gawain na mahaharap sila sa kaukulang kaso lalo na kung ito ay nagiging dahilan ng pagpapakalat ng maling impormasyon.
Matatandaan na hindi lang ito ang unang beses na ginagamit ang pangalan ni Herbosa sa ganitong uri ng insidente kung saan nangyari na rin ito sa iba pang tanggapan ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Bureau of Customs (BuCor).
Kaugnay nito, pinaalalahanan ang publiko na maging mapanuri at mag-ingat sakaling makatanggap ng mga kahina-hinalang mensahe sa text o social media upang hindi maging biktima ng scammers.