DOH, nagbabala sa publiko sa patuloy na pamemeke ng vaccination cards at certificates

70

Nagbabala ang Department of Health-Metro Manila Center of Health Development (DOH-MMCHD) laban sa mga namemeke ng COVID-19 vaccination cards at certificates na patuloy na ginagawa hanggang sa ngayon.

Ayon sa DOH-MMCHD, ilang posts sa social media hinggil sa gawaan ng pekeng vaccination cards at vaccination certificates partikular sa Recto, Maynila ang nakarating na sa kanilang tanggapan.

Giit ng DOH-MMCHD, ang pamemeke ng anumang pampubliko at opisyal na dokumento tulad ng COVID-19 vaccination cards o certificates ay isang uri ng krimen at paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code at Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.


Ang sinumang mapatunayang nagkasala ay makukulong ng isa hanggang anim na buwan at pagmumultahin ng ₱20,000 hanggang ₱50,000 depende sa korte.

Apela naman ng DOH-MMCHD sa publiko, huwag na sanang tangkilikin ang mga namemeke at katulad na panloloko, at i-ulat ang naturang krimen sa pamamagitan ng pagtawag sa 02-8531-0037 extension 111 o mag-email sa cmuncr@gmail.com upang maimbestigahan at makagawa ng legal na aksyon.

Facebook Comments