Nagdagdag-puwersa ang Department of Health sa nagpapatuloy na vaccination campaign kontra tigdas at rubella sa Ilocos Region, sa pamamagitan ng pagpapakalat ng 23 teams sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.
Kabuuang 115 health personnel ang idineploy, kabilang ang mga doktor, nurse, medical technologist at health program officer.
Tig-limang health personnel ang bumubuo sa bawat team na tutulong sa pagpapatupad ng Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity o MR-SIA 2026.
Mula Agosto 10 hanggang 21, tututukan ng mga team ang pagbabakuna sa mga batang anim hanggang 59 buwang gulang.
Mataas ang target ng DOH para sa kampanya.
Sa kabuuang 444,512 batang kwalipikadong mabakunahan sa Ilocos Region, target na maabot ang hindi bababa sa 95 percent vaccination coverage.
Bukod sa pagbabakuna, nakaatas din sa mga team ang pagbibigay ng technical assistance at field supervision sa mga lokal na health worker.
Mas tututukan ang mga komunidad na mahirap puntahan at mga lugar na naapektuhan ng pagbaha, kung saan maaaring maging hamon ang pagdadala sa mga bata sa mga vaccination site.
Layunin ng dagdag na deployment na maabot maging ang mga batang nasa malalayong komunidad at mapaliit ang bilang ng mga hindi nababakunahan laban sa tigdas at rubella.
Hinihikayat naman ang mga magulang at guardian na makipag-ugnayan sa kanilang barangay health center para sa iskedyul at pinakamalapit na vaccination site. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










