
Nagtungo sa Court of Appeals (CA) ang ilang mga human rights actvist at indigenous groups para ipanawagan na ibasura ang pagkakatalaga sa apat nilang mga leader bilang mga terorista.
Ito’y matapos maglabas ng desisyon ang Regional Trial Court Branch 78 sa Baguio City na kinikilala sina Windel Bolinget, Sarah Abellon Alikes, Jennifer Awingan-Taggaoa at Stephen Tauli na mga terorista.
Nabatid na ang apat ay pawang mga nabibilang sa Cordillera Peoples Alliance (CPA) na kung saan sila ang mga lumalaban at tumututol sa mga iligal na gawain sa kanilang rehiyon.
Giit ng grupo, ginagamit ang Anti-Terrorism Act of 2020 para patahimikin umano sila hinggil sa kanilang mga ipinaglalaban at panawagan na may kaugnayan sa paninira ng kabuhayan ng indigenous people at kalikasan.
Paliwanag ng grupo, isa-isa silang nire-red tag matapos nilang ipaglaban na itigil ang pagmimina at pagsasagawa ng anumang proyekto na nakakasira sa kalikasan.
Hiling ng grupo sa CA na pag-aralan at baliktarin ang desisyon ng korte sa Baguio lalo na’t nakikita nila na paraan lamang ito para sila ay patahimikin at banta ng pananakot.










