Tinatayang nasa humigit-kumulang ₱500,000 hanggang ₱800,000 ang halaga ng mga nakumpiskang produkto matapos isagawa ang inspeksyon ng NMIS Regional Technical Operations Center 1 sa tapat ng Mangaldan Public Market, alas-singko ng umaga, kahapon, Setyembre 25, 2026.
Kabilang sa mga nakumpiska ang 2,040 kilo ng karne ng manok, 5,022 kilo ng karne ng baboy, at 181 kilo ng karne ng baka.
Ayon kay Dr. Cherrie Ann Javier, Officer-in-Charge at Regional Technical Director ng NMIS-RTOC 1, bahagi ng kanilang regular na inspeksyon ang isinagawa sa lugar nang mapansin nila ang ilang meat transport vehicle na nagbababa ng frozen meat products sa harap ng palengke.
Sa isinagawang beripikasyon, natuklasan umano ng mga awtoridad na hindi tugma ang aktuwal na kargamento sa mga dokumentong ipinakita ng mga nagdadala ng produkto.
Hindi rin umano rehistrado sa NMIS ang mga ginamit na transport vehicle.
Tinukoy naman ni Dr. Javier ang mga nakumpiskang produkto bilang “hot meat” o mga karne na umano’y hindi dumaan sa kinakailangang inspeksyon at walang kaukulang dokumentasyon.
Babala ng opisyal, maaaring magkaroon ito ng epekto sa kaligtasan at kalusugan ng mga konsumer na makakabili at makakakain ng mga naturang produkto.
Dinala ang mga nakumpiskang frozen meat products sa Mangaldan Slaughterhouse para sa kaukulang disposisyon alinsunod sa umiiral na mga regulasyon at alituntunin.
Samantala, pinaalalahanan ng NMIS ang mga konsumer na maging mapanuri sa pagbili ng mga produktong karne. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







