100 TAON NG BUHAY, GINANTIMPALAAN! VILLASIS CENTENARIAN, TUMANGGAP NG ₱100,000

Isang makabuluhang pagkilala ang natanggap ng isang centenarian sa Villasis, Pangasinan matapos niyang marating ang isang natatanging milestone—ang 100 taong gulang.

Si Juana M. Quirona, residente ng Barangay Lipay, Villasis, ay tumanggap ng ₱100,000 cash incentive mula sa National Government bilang pagkilala sa kanyang pag-abot sa edad na isang siglo.

Bukod sa insentibo, ginawaran din siya ng Certificate of Recognition ng National Commission of Senior Citizens o NCSC noong Setyembre 22.

Personal na iniabot ni NCSC representative Arline Caye Oredina kay Quirona ang cash incentive at sertipiko.

Isinagawa ang paggawad sa pakikipagtulungan ng Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO ng Villasis, kasama ang mga kinatawan ng senior citizens at pamilya ng centenarian.

Hindi lamang pera ang hatid ng pagkilalang ito kundi isang simpleng pasasalamat at pagpupugay sa isang buhay na umabot na sa isang buong siglo.

Layunin ng centenarian incentive na kilalanin at mabigyan ng benepisyo ang mga Pilipinong nagkakaroon ng pagkakataong marating ang edad na 100.

Sa edad na isang daan, isang mahalagang kuwento ng buhay ang ipinagdiriwang—kasama ang pamilya, komunidad at pamahalaan na nagbibigay-pugay sa isang siglo ng buhay ni Juana Quirona. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments