Thursday, July 16, 2026

Pamahalaan, kulang ang pondo para sa direktang ayuda sa middle class — Malacañang

Aminado ang Malacañang na walang sapat na pondo ang pamahalaan para makapagbigay ng direktang ayuda sa middle class sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, limitado ang budget ng gobyerno kaya inuuna munang tulungan ang mga mahihirap at mga sektor na pinakaapektado ng krisis sa Gitnang Silangan.

Ito ang tugon ng Palasyo nang matanong kung may nakalaang ayuda rin para sa middle class na patuloy na nagbabayad ng buwis.

Gayunman, sinabi ni Castro na nakikinabang din ang middle class sa mga hakbang ng pamahalaan, tulad ng subsidiya sa transportasyon upang hindi muna tumaas ang pasahe at libreng toll sa mga delivery truck para mapigilan ang pagmahal ng mga bilihin.

Nauna nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panibagong ayuda para sa mahihirap at low-income families kasunod ng panibagong pagsirit ng presyo ng langis.

Facebook Comments