
Binatikos ni House Assistant Minority Leader and Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang kabiguan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na proteksyunan ang publiko laban sa sobra at hindi makatwirang bayarin sa kuryente.
Pahayag ito ni Elago sa gitna ng dumadaming reklamo ng sobrang paniningil at maling meter readings ng Manila Electric Company (Meralco).
Giit ni Elago, kalokohan ang payo ng ERC na mga konsyumer pa ang mag-monitor ng metro at magbayad muna kahit mali ang singil dahil trabaho ng Meralco na tiyaking tama ang kanilang meter reading at billing.
Punto ni Elago, ano pa ang silbi ng ERC kung hindi nito kayang papanagutin ang Meralco sa harap ng sunud-sunod na reklamo.
Binigyang-diin ni Elago na ang isang regulatory agency ay dapat kakampi ng publiko, hindi tagapagtanggol ng mga dambuhalang korporasyon.










