
Kinalampag ni Senator Risa Hontiveros ang Energy Regulatory Commission (ERC) na magpatupad ng “No Disconnection” o disconnection freeze policy para sa mga consumers ng Meralco na kinukuwestiyon ang kanilang singil dahil sa umano’y maling meter reading.
Ang panawagan ay kasunod ng dumaraming reklamo ng mga costumers ng Meralco na nakatanggap ng hindi umano makatotohanang mataas na bill na hindi akma sa kanilang aktwal na gamit.
Iginiit ni Hontiveros na hindi dapat mapilitang magbayad ang mga konsyumer ng mga pinagtatalunang singil para lamang hindi maputulan ng kuryente.
Mayroong naitalang insidente kung saan isang pamilya ang siningil pa rin ng mataas na konsumo ng kuryente kahit naka-off ang mga circuit breaker habang sila ay nagbabakasyon na kinumpirma ng Meralco na bunga ng pagkakamali ng meter reader.
Sa kabila nito, pinapayuhan ng ERC ang mga consumers na magbayad muna “under protest” habang iniimbestigahan ang kanilang reklamo upang maiwasan ang pagkaputol ng serbisyo.
Umalma si Hontiveros na hindi ito makatarungan na piliting magbayad muna ang mga consumer kung may lehitimong pagtutol sila sa kanilang bill, dahil ang perang iyon ay maaari pa sanang magamit sa iba pang pangangailangan ng pamilya.










