
Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na hindi nila hahayaang patawan ng parusang death penalty si Pastor Apollo Quiboloy sakaling mahatulang guilty sa kaso sa Amerika.
Kasunod ito ng pagkumpirma ng DOJ na natanggap na nila ang pormal na request mula Estados Unidos para i-extradite si Quiboloy dahil sa sex trafficking, fraud at money laundering.
Ayon kay Chief State Counsel Dennis Chan, sisiguruhin muna nila na hindi papatawan ng death penalty ang religious leader bago pahintulutan kung sakali ang extradition.
Sa ngayon, pinag-aaralan pa ng DOJ ang request bago ihain sa korte kung saan pagpapasyahan kung pahihintulutan o hindi na ipadala si Quiboloy sa Amerika.
Tiwala naman ang kagawaran na hindi aabutin ng ilang taon ang proseso para sa extradition.
Habang sakali namang aprubahan ng korte ang hiling ay maaari pa rin aniya itong iapela.










