
Nakiisa si Vice President Sara Duterte sa isinagawang Tree Planting Activity sa Masibay Integrated School sa Barangay Masibay, Nunungan, Lanao del Norte.
Ito’y kasunod na rin ng pagbisita ng pangalawang pangulo sa lugar noong mga nakaraang buwan.
Sa Facebook post ni VP Sara, sinabi nitong ang pagtatanim ng mga puno ay bahagi umano ng programa ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo na PagbaBAGo: A Million Trees Campaign, na naglalayong makibahagi sa pangangalaga sa kalikasan alang-alang na rin sa kinabukasan ng kabataan at ng mga susunod pang henerasyon.
Nakiiisa naman ang ilan sa residente sa lugar sa pagtatanim ng mga punong-kahoy sa kabila ng masamang panahon.
Sa huli, nagpasalamat si VP Sara sa mga opisyal ng Lokal na Pamahalaan ng Nunungan at Masibay Integrated School sa suporta sa programa ng kanilang tanggapan.
Kahapon ang ika-labinlimang araw ng impeachment trial laban kay VP Sara at ipagpapatuloy ang paglilitis sa Lunes, susunod na linggo.










