
Para sa House Prosecution Panel, maaari ring punahin o paalalahanan ng Senate Impeachment Court si Vice President Sara Duterte dahil sa mga nagiging pahayag nito laban sa impeachment trial.
Pangunahing inihalimbawa ni House Prosecutor Spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. ang sinabi ni VP Sara na bending the law o pagbaluktot ng batas sa isinasagawang impeachment trial.
Diin ni Tolosa, sakop din ng sub judice rule si VP Duterte bukod sa mga abogado ng prosecution at depensa.
Ayon kay Tolosa, ang mga pahayag ni VP Duterte ay maaring makasira sa integridad ng impeachment court at maaring magdulot ng pagdududa sa anumang magiging pasya nito.
Bunsod nito ay umaasa ang panig ng prosekusyon na magiging patas ang impeachent court sa pagpapatupa ng mga patakaran ng paglilitis lalo na ang patungkol sa sub judice rule.










