
Naghain ng mosyon ang kampo ni Vice President Sara Duterte para hilingin sa korte na ibasura ang kasong grave threats na inihain ng Department of Justice.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, binigyan sila ng korte ng limang araw para magkomento sa inihaing motion to quash sa Quezon City Regional Trial Court.
Kaugnay nito, iginiit ni Fadullon na walang immunity sa kaso ang pangalawang pangulo sa ganitong uri ng kaso.
Hiwalay din naman aniya ang kasong kriminal na ito sa kinakaharap ni VP Sara na impeachment sa Senado kung saan isa sa batayan ang grave threats.
Sa pahayag naman ng Malacañang na tila nakukulangan sila sa kasong grave threats na isinampa kay VP Sara, sinabi ni Fadullon na nakabatay ito sa mga ebidensiya at malinaw ang batayan ng piskal sa resulta ng imbestigasyon.
Ito ay matapos na ibasura ang reklamong inciting to sedition dahil sa kakulangan ng batayan.
Nag-ugat ang kaso sa pahayag ni Duterte na may kinontrata na umano siya para patayin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyaring masama sa kanya.










