Monday, August 10, 2026

Leptospirosis lane, prayoridad sa mga health center sa Maynila

Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Maynila na pansamantalang walang regular checkup sa mga health center ngayong araw.

Ito’y dahil uunahin muna ang kanilang operasyon sa Leptospirosis Lane.

Sa anunsyo ng Manila Health Department, hinihikayat ang mga residenteng lumusong sa baha na magtungo sa pinakamalapit na health center upang makakuha ng libreng doxycycline bilang proteksiyon laban sa leptospirosis.

Nabatid na bukas ang mga health center mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali para sa nasabing serbisyo.

Pinapayuhan naman ang mga may nararamdamang sintomas o karamdaman na magtungo sa pinakamalapit na LGU hospital para magpakonsulta.

Kasabay nito, muling nagpapaalala ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga residente na huwag nang lumusong sa baha at mas mabuting manatili sa loob ng tahanan kung walang importanteng gagawin sa labas upang makaiwas sa anumang sakit dulot ng masamang lagay ng panahon.

Facebook Comments