Monday, May 18, 2026

DOJ, inirekomenda na ang pagsasampa ng kaso laban kina Senador Jinggoy Estrada at iba pang opisyal na dawit sa flood control anomaly

Kinumpirma ng Office of the Ombudsman na natanggap na nila ang resolusyon ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa reklamo laban sa ilang senador at opisyal ng pamahalaan dahil sa flood control anomaly.

Partikular ito sa reklamong kinasasangkutan nina Senador Jinggoy Estrada, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo at dating District Engineers na sina Henry Alcantara, Gerard Opulencia at iba pang opisyal.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, lumabas sa preliminary investigation ng DOJ na nagkaroon ng umano’y sabwatan para magkaroon ng kickback sa mga proyekto sa ilalim ng 2025 national budget.

Kabilang sa mga pinagbatayan ang mga ebidensiyang nakuha sa legislative
records, Position Description Forms, at mga sinumpaang salaysay mula sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hearings.

Dahil dito, inirekomenda na ng DOJ Panel of Prosecutors ang pormal na pagsasampa ng kasong kriminal sa mga korte laban sa respondents kabilang ang plunder, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Direct Bribery and Receiving Gifts by Public Officers at Corruption of Public Officials.

Samantala, inirekomenda rin ang pagbasura ng kaso laban kay dating Undersecretary Maria Catalina Cabral matapos itong pumanaw noong Disyembre ng nakaraang taon.

Habang ipinaaalis na sina Bernardo, Opulencia at Alcantara sa mga kakasuhan bilang mga state witnes sa kaso.

Inirekomenda naman sa NBI-DOJ Task Force na patuloy na magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang ilan pang nakinabang sa anomalya.

Habang magsasagawa ng independent review ang Ombudsman para malaman kung pagtitibayin o babaliktarin ang findings ng DOJ.

Facebook Comments