
Tiniyak ng Department of Labor and Employment o DOLE na gagawin nila ang lahat ng ligal na paraan para labanan at maipawalang-bisa ang desisyon ng Pasig City Regional Trial Court o RTC Branch 152.
Ito ay matapos pagbigyan ng korte ang hiling na writ of preliminary injunction laban sa Wage Order No. 27 na dahilan kung bakit nananatiling suspendido ang P85 minimum wage increase sa National Capital Region.
Ayon kay Labor Sec. Francis Tolentino, hindi lamang pumipigil sa dagdag-sahod ang hakbang ng Pasig court dahil inaalis nito ang pagkain sa hapag ng mahigit isang milyong manggagawa sa Metro Manila at ng kanilang mga pamilya.
Aniya, ipinagkakait ng desisyong ito sa ating mga manggagawa ang kaginhawaang kanilang pinaghirapan at kailangang-kailangan.
Siniguro ni Tolentino na hindi nila pababayaan ang mga manggagawa at lalaban sila hanggang masolusyunan ang problema at matanggap ng mga manggagawa ang nararapat para sa kanila.
Una rito, sa resolusyong pirmado ni Presiding Judge Marie Joyce Manongsong kahapon, nanindigan ang korte sa inilabas nitong resolusyon noong Hulyo na isinasaalang-alang nito ang kapakanan kapwa ng mga manggagawa at employers.
Ayon sa Pasig court, tinitiyak lamang nito na habang hindi pa ganap na napagpapasyahan ang merito ng kaso, wala pang irreversible effect ang naturang wage order para sa pribadong sektor.










