Nagbigay na ng agarang aksyon ang Department of Public Works and Highways o DPWH Region 1 kaugnay sa reklamong pagbaha at pagkaantala ng Arzadon Road Improvement Project sa Brgy. Mayombo, Dagupan City.
Ito ay matapos umani ng atensyon sa social media ang mga larawan at video ng naipong tubig sa ilang bahagi ng kalsada sa kabila ng nagpapatuloy na road at drainage canal project sa lugar.
Sa opisyal na pahayag ng DPWH Region 1, iniutos ni DPWH Secretary Vince Dizon ang agarang pagpapatuloy ng konstruksyon matapos makatanggap ng mga ulat hinggil sa abalang dulot ng proyekto sa publiko.
Ayon sa ahensya, muling sisimulan ngayong Lunes, June 8, 2026 ang natitirang konstruksyon sa proyekto habang target namang makumpleto at mabuksan ito pagsapit ng Hulyo 2026.
Sa panayam ng iFM News Dagupan, sinabi ng ilang residente na bagamat may mga bahagi nang naitaas at naisaayos sa lugar, nananatili pa rin umano ang pagbaha sa mga bahaging hindi pa elevated at hindi pa tapos ang proyekto.
Ayon pa sa mga residente, malaking tulong ang mga natapos nang bahagi ng proyekto sa pagdaan ng mga sasakyan at mga residente, ngunit nananatili pa rin umanong problema ang mga seksyong hindi pa nakukumpleto dahil dito naiipon ang tubig baha.
Matatandaang inilunsad ang Phase II ng proyekto upang maisaayos ang kalsada at drainage system sa buong Arzadon Compound kabilang ang mga bahaging hindi naisama sa unang yugto ng proyekto. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






