
Inisyuhan na ng show cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang drayber at rehistradong may-ari ng isang utility vehicle na sangkot sa isang hit-and-run incident sa Calamba City, Laguna noong July 7.
Ito ay para magpaliwanag ang sangkot sa insidente kung bakit hindi sila dapat managot sa kasong reckless driving, at kung bakit hindi dapat suspendihin o tuluyang bawiin ang driver’s license ng drayber dahil sa pagiging isang Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Sa viral video, makikita na tumatawid ang isang matandang lalaki sa pedestrian sa National Highway sa Barangay Makiling papunta sa kabilang bahagi ng kalsada alas-4 ng umaga nang mabangga ito ng isang rumaragasang utility vehicle.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang matandang pedestrian at pumanaw.
Samantala, isinailalim na rin sa 90-day preventive suspension ang lisensya ng drayber, habang isinailalim naman sa alarm status ang sasakyan habang gumugulong pa ang imbestigasyon sa insidente.










