DRUG DEN, MATAGUMPAY NA NABUWAGNG AWTORIDAD SA DAGUPAN CITY

Isa na namang drug den ang matagumpay na nabuwag ng mga awtoridad sa Lungsod ng Dagupan.

Sa magkasanib na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Regional Office 1 at ng Philippine National Police, isinagawa ang isang buy-bust operation sa Sitio Aling, Barangay Pantal, Dagupan City noong July 13, 2026.

Limang katao ang naaresto sa operasyon, kabilang ang umano’y maintainer at co-maintainer ng naturang drug den. Nakumpiska rin ang tinatayang anim na gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug market value na apatnapung libo’t walong daang piso, bukod pa sa iba’t ibang drug paraphernalia.

Ayon sa PDEA, ang nabuwag na drug den ay matatagpuan malapit sa lugar kung saan nagsagawa rin ng search warrant operation noong April 27, 2026. Sa naturang operasyon, nasamsam ang 48 gramo ng hinihinalang shabu at nabuwag din ang isa pang ilegal na pasilidad na may kaugnayan sa bentahan ng droga.

Sinabi ni PDEA Regional Director Julius M. Paderes na patunay ang matagumpay na operasyon na patuloy nilang pinalalawak ang kampanya laban sa ilegal na droga sa Rehiyon Uno. Binigyang-diin din niya na mananagot hindi lamang ang mga sangkot sa bentahan ng droga kundi maging ang mga taong nagbibigay-proteksiyon o kumukunsinti sa operasyon ng mga sindikato, kung mapatutunayan ang kanilang pagkakasangkot.

Inihahanda na ngayon ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 13, at 14 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga naarestong suspek. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments