Magbibigay ng tulong ang Department of Labor and Employment o DOLE sa mga manggagawa at negosyanteng naapektuhan ng sunog sa Batac Public Market sa Ilocos Norte sa pamamagitan ng emergency employment at livelihood assistance.
Alinsunod sa direktiba na suportahan ang mga manggagawang apektado ng mga krisis, nagsagawa ang DOLE Regional Office 1 sa pamamagitan ng Ilocos Norte Field Office ng profiling activity noong July 8, 2026.
Layunin ng aktibidad na matukoy ang mga kwalipikadong benepisyaryo para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD at iba pang livelihood assistance na makatutulong sa mga vendor at manggagawang nawalan ng kabuhayan dahil sa insidente.
Ayon kay DOLE Regional Director Honorina Dian-Baga, prayoridad ng ahensya na agad makapagbigay ng suporta sa mga naapektuhan ng sunog upang matulungan silang makabangon at makapagsimulang muli sa kanilang pinagkukunan ng kita.
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng TUPAD at mga programang pangkabuhayan, layunin ng DOLE na mabigyan ng pansamantalang trabaho at kinakailangang tulong ang mga manggagawa habang unti-unti nilang binubuo muli ang kanilang kabuhayan.
Patuloy naman ang DOLE sa pagtukoy at pakikipag-ugnayan sa mga benepisyaryong maaaring makinabang sa mga programang inilaan para sa mga apektado ng sunog sa Batac Public Market. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










