
Inumpisahan na ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang pagpapadala ng family food packs sa mga naapektuhan ng pagbuga ng abo ng Bulkang Bulusan kahapon ng umaga.
Ayon sa DSWD, unang inihatid ng DSWD-Bicol Region ang inisyal na 2,000 kahon ng family food packs sa displaced families sa Sorsogon Province.
Paliwanag ng DSWD bahagi ito ng 20,000 family food packs na hiniling ng provincial government ng Sorsogon para sa mga munisipalidad na lubhang naapektuhan ng ashfall.
Naihatid na ng DSWD sa iba pang mga apektadong lugar ang natitirang 18,000 family food packs.
Kasabay nito, binisita ni DSWD Field Office 5 – Regional Director Norman Laurio ang Juban Evacuation Center sa Sorsogon.
Nabatid na nasa mahigit dalawampung pamilya o isang daang indibidwal mula sa Brgy. Puting Sapa ang kasalukuyang nananatili matapos ang pagputok ng Bulkang Bulusan.