
Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na i-monitor ang Air Quality Index (AQI) ng kanilang mga lugar upang makatulong na maiwasan ang maruming hangin kasunod ng naging ulat ng haze sa ilang lugar sa Quezon City at Rizal.
Ayon sa DOH, may dalawang karaniwang ginagamit na indicator para sa AQI; ito ang Particulate Matter 10 micrometers (PM 10), at PM 2.5 na parehong nagmumula sa mga emisyon ng sasakyan, pagsunog ng basura, wildfire, o mga insidente ng sunog.
Ang PM 10 ay nagdudulot ng pangangati ng upper respiratory tract tulad ng sinuses at lalamunan habang ang PM 2.5 naman ay maaari din makapasok nang malalim sa baga at maging sanhi ng mga pag-atake ng hika kung saan maaari rin mapunta sa dugo at pagmulan ng mga problema sa cardiovascular system.
Kaugnay nito, ang mga indibidwal na sensitibo sa polusyon sa hangin tulad ng mga may hika, emphysema, chronic obstructive pulmonary disease (COPD), at mga katulad na kondisyon ay pinapayuhan na dapat palaging naka-standby ang kanilang mga gamot pansagip para gamitin base sa reseta ng kanilang mga doktor.
Para sa mga sensitibong indibidwal at sa pangkalahatang publiko na rin, iwasan o bawasan ang pagkakalantad sa haze o maruming hangin sa labas sa pamamagitan ng pananatili sa loob ng bahay at kung kailangan lumabas ay magsuot ng N95 mask.