Duterte Youth Party-list, dudulog sa Korte Suprema matapos hindi makasama sa ipoproklama ng Comelec ngayong hapon

Dudulog na sa Korte Suprema ang Duterte Youth Party-List matapos hindi sila makasama sa proklamasyon ng mga nagwaging party-list groups ngayong 2025 midterm elections.

Sa isang pahayag, sinabi ng Duterte Youth na naniniwala silang nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Commission on Elections (Comelec) matapos i-delay ang kanilang proklamasyon.

Sa nakalipas na halalan, nakakuha sila ng mahigit 2.3 million na boto para pumangalawa sa mga party-list na may pinakamaraming boto.

Sinabi ng Duterte Youth na hindi pinroklama ang tatlo nilang kinatawan na sina Rep. Drixie Cardema, Berlin Lingwa, at Ron Bawalan dahil sa mga alegasyon na inihain ng Kabataan Party-List noong 2019.

Inireklamo ng Kabataan Party-List ang Duterte Youth dahil sa alegasyong hindi sila rehistrado sa Comelec, sangkot umano sa vote buying at nagpo-promote ng karahasan nang sabihin na tutulungan ang Armed Forces of the Philippines o AFP at Philippine National Police o PNP na ubusin ang mga teroristang New People’s Army o NPA at kanilang mga kaalyado.

Sabi ng grupo, nasagot na nilang lahat ito sa Comelec noon pang 2019 kaya pinayagan na rin silang makaupo matapos manalo sa halalan.

Ito na rin anila ang ikatlong beses nilang lumahok sa eleksyon at nagwagi matapos iboto ng taumbayan.

Facebook Comments