
Mananatiling buhay ang diwa at mensahe ng EDSA People Power.
Ito ang iginiit ni Senator Risa Hontiveros sa kabila ng hindi pagdedeklara ng pamahalaan ng opisyal na holiday sa gitna ng paggunita ng ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Ayon kay Hontiveros, ikinalulugod at bilib siyang makita na ang mga estudyante, mga guro, mga paaralan, mga unibersidad at youth organizations ang nangunguna sa anibersaryo ng EDSA People Power.
Ilan kasi sa mga universities sa bansa ang nagkusang suspendihin ang klase para bigyang daan ang pag-alala sa EDSA People Power Revolution.
Hinimok ng senadora ang publiko na tularan ang katapangan ng mga kabataan, huwag matakot na sabihin ang katotohanan at supilin ang disinformation at historical distortion at patuloy na labanan ang katiwalian, karahasan at pagiging ganid sa kapangyarihan.
Samantala, iginiit naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat lang ipagdiwang at gunitain ang EDSA People Power dahil bahagi na ito ng kasaysayan ng Pilipinas.
Dagdag ni Pimentel, ito aniya ay dapat na ipagmalaki dahil ang rebolusyong ito ay pinanindigan, inilaban at handa ang mga Pilipino na magbuwis ng buhay para igiit ang demokrasya, good governance at people empowerment.