
Muling hiniling ni Atty. Romulo Macalintal sa Korte Suprema na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa November 2028.
Sa kaniyang bagong mosyon na inihain ngayong October 6, sinabi ni Macalintal na hindi sapat ang mga dahilan ng gobyerno para ipagpaliban ang halalan.
Kabilang sa tinutulan niya ang paggamit ng crime prevention, flood response at garbage collection bilang dahilan sa postponement.
Giit ni Macalintal, mga regular na tungkulin na ito ng mga barangay at hindi dahilan para kanselahin ang halalan.
Kinuwestiyon din ni Macalintal ang probisyon ng Republic Act No. 12326 na nagsasabing dalawang taon ang extension sa termino ng mga incumbent barangay officials, taliwas sa argumento ng gobyerno na walang extension sa kanilang termino.
Ito aniya ang dahilan kung bakit dapat agad pigilan ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng batas at atasan ang COMELEC na ipagpatuloy ang paghahanda para sa BSKE na nakatakda sanang idaos sa November 2026.










