
Inihain sa Korte Suprema ngayong araw ang panibagong petisyon laban sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE 2026.
Nanguna sa paghahain ang sampung kabataan mula sa Kaya Natin, KASAPI Coalition, Akbayan Youth at iba pang youth organizations, kabilang ang ilang incumbent at aspiring SK officials.
Sa kanilang Petition for Certiorari, Prohibition and Mandamus, hinihiling nila sa Supreme Court na kuwestiyunin ang pagpapaliban ng halalan.
Humihingi rin sila ng agarang temporary restraining order o TRO at preliminary mandatory injunction para mapigilan ang pagpapatupad ng postponement.
Kabilang sa mga respondent ang Office of the President, Senate, House of Representatives at Commission on Elections o Comelec.
Ito na ang ikalawang petisyon laban sa pagpapaliban ng BSKE 2026.
Nauna nang naghain ng petisyon ang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal.










