Emission test requirement para sa pagpaparehistro ng mga sasakyan, pinasususpinde muna ng isang mambabatas

614

Pinasususpinde muna ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez sa Department of Transportation (DOTr) at sa Land Transportation Office (LTO) ang emission testing requirement sa pagpaparehistro ng mga sasakyan.

Paliwanag ng kongresista, dahil sa COVID-19 pandemic ay labis na naapektuhan ang buhay ng lahat ng Pilipino kabilang ang mahigit 11 milyong may-ari ng mga sasakyan.


Bilang resulta aniya ng lockdown sa maraming lugar sa bansa, karamihan sa mga transaksyon sa gobyerno ay natigil gaya ng pagpaparehistro ng sasakyan.

Kasunod naman nang pagluluwag ng quarantines at travel restrictions, napakahaba ng pila ng mga sasakyang magpaparehistro at lalo pang nagpapa-delay sa proseso ang emission testing.

Giit ni Rodriguez, sobrang malaking abala nito para sa mga may-ari ng sasakyan na kabilang sa taxpayers at dapat namang mabigyan ng maayos na serbisyo.

Inihalimbawa din ng kongresista na sa kanilang lugar ay kailangan nang pumila nang napakaaga ng mga aplikante na inaabot ng hanggang limang oras para lamang kumuha ng numero at mabigyan ng appointment para sa emission test na tumatagal naman ng hanggang dalawang linggo.

Facebook Comments