
Inihain ni Senate Energy Committee Chairman Senator Erwin Tulfo ang tatlong panukalang batas na layong alisin ang energy tax, tanggalin ang system loss charge sa value-added tax (VAT), at imbestigahan ang kasalukuyang polisiyang nagpapasa ng dagdag-singil sa mga consumers.
Ang paghahain ng mga panukalang batas ay kasunod ng naging direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang SONA na tanggalin na sa bill ng kuryente ang systems loss kasama ang VAT.
Ang mga ito ay ang Senate Resolution No. 537 na nagpapaimbestiga sa polisiya ng Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) hinggil sa pagpasa sa mga consumers ng singil sa system loss; Senate Bill No. 2239 o ang pagpapawalang bisa sa “Energy Tax Law”; at ang Senate Bill No. 2340 o ang pag-exempt sa system loss charge sa saklaw ng VAT.
Ipagpapatuloy ng komite ni Tulfo sa Huwebes, July30, ang pagdinig sa panukalang amyenda sa EPIRA Law at kasama sa tatalakayin ang tungkol sa mga panukala at ang utos ng Presidente.
Magdaraos pa sila ng hanggang ikatlong pagdinig sa komite at saka ito dadalhin sa plenaryo kung saan umaasa ang senador na makatatanggap ng suporta para rito mula sa mga kapwa mambabatas.










