
Pinalalakas ng Department of Energy (DOE) ang kahandaan ng mga ospital, pasilidad ng suplay ng tubig, at mga food hub upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sakaling maapektuhan ng El Niño ang suplay ng kuryente.
Sa ilalim ng Department Circular No. DC2026-0114, inaatasan ang mga ospital, rural health units, emergency medical services, water facilities, at mga food hub ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magkaroon ng backup power system.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, layunin ng hakbang na matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyo ng mga ospital at pasilidad ng tubig kahit magkaroon ng power interruption dulot ng El Niño.
Inaatasan din ang mga saklaw na pasilidad na maghanda o mag-update ng kanilang Public Service Continuity Plan o Business Continuity Plan, habang kinakailangang magkaroon ng generator o renewable energy system na kayang magpatakbo ng operasyon nang hindi bababa sa 72 oras kahit walang suplay mula sa power grid.
Hinikayat din ng DOE ang publiko na magtipid sa konsumo ng kuryente sa pamamagitan ng wastong paggamit ng air conditioner, LED lighting, at pagpatay at pag-unplug ng mga hindi ginagamit na appliances.
Kasabay nito, muling isinusulong ng ahensya ang Oras Natin sa Efficiency (O.N.E.) campaign na nanghihikayat sa publiko na patayin ang mga hindi kailangang ilaw at tanggalin sa saksakan ang mga hindi ginagamit na appliances tuwing Sabado mula alas-8:00 hanggang alas-9:00 ng gabi.
Ayon sa DOE, bahagi ito ng mas malawak na paghahanda upang mabawasan ang epekto ng El Niño sa suplay ng enerhiya at mapanatili ang mahahalagang serbisyo sa buong bansa.










