
Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga operator ng bus terminal na tiyaking maayos at ligtas ang kanilang mga pasilidad ngayong dagsa ang mga pasahero para sa Undas.
Ayon kay LTFRB Acting Chairman Greg Pua Jr., nagsasagawa na sila ng mga biglaan at regular na inspeksyon sa mga bus terminal sa buong bansa.
Kabilang sa mga binabantayan ang kalinisan ng mga palikuran, sapat at ligtas na waiting area, at mga pasilidad na panangga sa init at ulan.
Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular 2017-030, maaaring pagmultahin ng limang libong piso kada araw at sa bawat paglabag ang mga operator na hindi sumusunod sa mga itinakdang pamantayan.
Katuwang din ng LTFRB ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapanatili ng seguridad, habang nagsasagawa naman ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng random drug testing sa mga driver at konduktor.
Inaasahang mas dadami pa ang mga pasahero ngayong Biyernes, Oktubre 30, kaya inatasan na rin ang mga regional office ng LTFRB na paigtingin ang inspeksyon sa mga terminal at pampasaherong bus.










