
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakaalerto ang mga ahensiya ng pamahalaan sa dagsa ng mga bibiyahe pauwi ng kani-kanilang mga probinsiya ngayong Undas.
Sa isang video message, sinabi ng Pangulong Marcos Jr. na may mga inilatag na hakbang ang pamahalaan para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at ang kaayusan sa mga lugar na dadagsain ng publiko.
Kabilang dito ang pagtatapos sa mga kinukumpuning pangunahing kalsada, paglalabas ng special permit sa mahigit isang libong bus at ang pagpapatupad ng relaxation order ng MARINA sa mga pampasaherong barko upang masigurong may masasakyan ang mga uuwi ngayong Undas.
Inatasan din ni PBBM ang Bureau of Immigration (BI) na siguruhing sapat ang mga tauhan at walang bakanteng immigration counter mula ngayong araw hanggang November 3 at pagpapabilis pa ng daloy ng mga pasahero.
Bukod pa ito sa pagtatalaga ng mga tauhan ng MMDA para magmando naman ng daloy ng trapiko lalo na sa paligid ng sementeryo at pagbabantay ng mga tauhan ng Philippine National Police.
Samantala, pinayuhan naman ng Pangulong Marcos Jr. ang publiko na agahan ang pagtungo sa mga terminal at sundin ang mga patakaran para maging ligtas at maayos ang pag-alala sa kanilang mga mahal sa buhay na yumao.










