
Ipinalalatag ni Senator Sherwin Gatchalian ang epekto ng pagpapataw ng Estados Unidos ng 17% reciprocal tariff sa mga exports mula sa Pilipinas.
Ayon kay Gatchalian, kung titingnan ay may kalamangan ang Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa ASEAN pagdating sa reciprocal tariffs dahil tayo ang isa sa may pinakamababa, mahalaga pa ring tukuyin kung ano ang magiging epekto ng bahagyang itinaas sa taripa sa mga exports ng bansa.
Partikular na pinalilinaw ng senador ang epekto nito sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at sa mga industriya ng business process outsourcing dahil parehong mabilis na maaapektuhan ang mga sektor ng pandaigdigang pagbagsak ng ekonomiya.
Dahil dito, inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution 1343 kung saan iginiit nito ang kahalagahan ng pagsusuri sa maaaring epekto ng mga abala sa supply chain at ang posibilidad na umalis ang mga manufacturer para makaiwas sa malaking taripa.
Layunin ng resolusyon na magkasa ng komprehensibong analysis o pag-aaral tungkol sa mga epekto sa ekonomiya ng pagtaas ng taripa at para tiyakin ang angkop na hakbang sa pagbibigay proteksyon ng interes ng mga manggagawang Pilipino at ng mga negosyo.