Thursday, September 24, 2026

Mga nasa likod ng sunod-sunod na mass shooting sa mga paaralan, pinangangambahang kagagawan ng mga organized at syndicated groups

Nangangamba si Senator Kiko Pangilinan na posibleng organized at syndicated na grupo ang nasa likod ng sunod-sunod na mass shooting sa mga paaralan.

Sa gitna ng budget hearing ng Department of Justice (DOJ) at mga ahensiya nito, tinukoy ni Pangilinan na hindi pangkaraniwan ang tatlong beses na magkakasunod na insidente ng pamamaril sa mga eskwelahan na hindi nangyayari noon.

Hindi aniya siya magugulat kung isang sindikato ang nasa likod ng mga mass shooting incidents na ito para makalikha ng gulo, takot, kawalan ng katatagan at pahinain ang gobyerno.

Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Diretor Melvin Matibag, valid at may basehan ang obserbasyon ng senador.

Katunayan aniya, sa kanilang mga pagsisiyasat ay may iba’t ibang grupo na nagti-trigger sa mga estudyante na makagawa ng krimen tulad ng pamamaril.

Aktibo aniyang mino-monitor ng NBI at DOJ ang impormasyong ito kung saan may isang indibidwal na may kaugnayan sa nangyaring school shooting sa South Cotabato ang hawak na ngayon ng NBI at may mga nadakip din sila kahapon na mga hinihininalang groomers mula sa Cebu.

Facebook Comments